Monday, November 30, 2009

Peace Not War

Kasaysayan ng Pilipinas

Espanyol

Batay sa ating kasaysayan, noong 1521 ay naitala ang unang mananakop ng ating bansa sa pamumuno ni Ferdinand Magellan. At hindi nag-laon ay kanila tayong nasakop at naitatag nila ang kanilang pamahalaan noong 1565 sa pamumuno ng isang Gobernador Heneral na siyang kinatawan sa Hari ng Espanya. Tayo ay nasakop at napailalim sa kanilang pamamahala nang may tatlong daan at tatlumpu`t tatlong taon (333 years)

Marami ang nag-alsa sa pamahalaang espanya. Nanguna sa pag-aalsa ang mga taga Manila, Cavite, Batangas, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac at Laguna na siyang walong lalawigan na nag-himagsik laban sa pamahalaang espanya.

At noong Hunyo 12, 1898 ay naideklara ang ating kalayaan sa Kawit, Cavite sa pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo. Kalayaan na matagal na ipinag-kait sa ating mga ninuno at kasabay nito sa unang pagkakataon ay naiwagayway ang ating watawat ng may dangal na sumisimbulo ng ating Kalayaan at Pagbabago


Amerikano

Sa pagkatalo ng mga espanyol noong 1898, ang kalayaang ating minithi ng mahabang panahon na ating tinamasa ay panandalian lamang, sapagkat sinakop tayo ng mga amerikano. Nagkaroon ng kasunduan sa Paris sa pagitan ng pamahalaang espanya at pamahalaang amerikano at inilipat ng espanya ang pamamahala o kapangyarihang mamuno sa mga amerikano.

Itinatag nila sa ating Bansa ang pamahalaang militar at hindi nag-laon ay napalitan ito ng pamahalaang sibil. At ito`y nagustuhan ng ilang Pilipino sapagkat nagkaroon tayo ng boses at pagkakataong makilahok sa pamamalakad ng pamahalaan; na hindi tulad ng pamahalaang espanya, tayo`y itinuturing bilang alipin at dayuhan sa sarili nating Bansa.

At noong pinag-tibay ang batas Tydings-Mcduffie na siyang batas na nagkaroon nang pag-asa para sa mga Pilipino na magkaroon ng sampung taong transisyon sa pamahalaang commonwealth sa pamumuno ni Manuel Luis M. Quezon at ito`y nagsimula noong 1935 hanggang 1944.

Gayunpaman marami sa ating kapwa Pilipino ang tutol sa ipinapakita ng mga dayuhan at ang kanilang pakikipag kaibigan sa atin. Marami ang nag-aklas sa mga kapatid nating mga Kristiyano at gayundin sa mga kapatid nating mga Muslim, isa na rito sina Datu Hassan, Nakip Amil, Sariol, Datu Tahil, Jikiri, at Sumungsong.


Japanese

Bago pa man natin matapos ang sampung taong transisyon ng pamahalaang commonwealth noong 1944, ay natigil ito noong 1942 sapagkat sinakop tayo ng pamahalaang hapon at noon ang pamahalaang amerikano na siyang humahawak sa atin ay hindi handa sa pakikipag-laban kaya ang ating bansang pilipinas ay tuluyang bumagsak sa pamamahala ng mga hapon.


Ikalawang Republika ng Pilipinas

Hinangad ng bansang hapon na palawakin ang kanilang nasasakupang teritoryo at kasama ang ating bansa sa kanilang pag-sakop. At kanilang naitatag ang Puppet Republic, at noong nobyembre 13, 1943 ay inihayag ang ating kasarinlan at naging pangulo ng ikalawang republika si pangulong Jose P. Laurel.

Ikatlong Republika ng Pilipinas

At noong obtubre 1944, bumalik si Heneral Mac Arthur kasama ang kanyang hukbo at tuluyang natalo ang mga kaaway na naibalik ang pamahalaang commonwealth sa Pilipinas at naging pangulo si Sergio OsmeƱia at noong hunyo 4, 1946 ay tuluyan na tayong lumaya sa pamahalaang amerikano, at dito nag-simula ang ating ikatlong republika ng pilipinas at nahalal na unang pangulo si Manuel A. Roxas, sinundan siya ni Elpidio Quirino naging pangulo rin sina Ramon Magsaysay, Carlos P. Garcia, Diosdado Macapagal, at Ferdinand Marcos.

Nang mahalal na pangulo ng Pilipinas noong 1965 si Ferdinand Marcos ay marami ang nasiyahan ay nagalit sa kaniyang pamamalakad. Ang isa sa kanyang naging plataporma ay maging pantay-pantay ang estado ng pamumuhay ng mga mamamayan sa ating lipunan at gayundin magkaroon ng pantay-pantay na pagkilala sa loob ng ating bansa bakus maging sa labas ng ating bansa.

Ito`y kanyang binigyang diin sa ika-4 at ika-5 na pagpupulong sa UNCTAD United Nations Conference for Trade and Development na ginanap sa Nairobi, Kenya noong Mayo 1976 at Manila noong 1979 at sa Cancum, Mexico (1981) nang maging kinatawan siya ng ASEAN o Association of South East Asian Nations na kanyang sinabi na higit na kailangan nang mga papaunlad na bansa ay ang mga tulong pangkabuhayan at makabagong teknolohiya at kanya muling sinabi sa ibang pagkakataon na kailangan mabigyan ng pantay-pantay na pagkakataon sa pandaigdigang pangkalakalan, tulong sa pangkabuhayan, at ang pagtuturo ng makabagong teknolohiya.

Dahil dito marami sa ating mga kapatid ang tumutol sa kanyang plataporma dahil magkakaroon tayo nang pantay-pantay na estado sa ating lipunan. Ang ibig sabihin nito kung ito ay magtagumpay, wala nang tatawaging mahirap at mayaman Sapagkat ang mga karunungan n g isang mayaman ay pwede na malaman nang isang Juan Dela Cruz na naghihirap upang kanilang magamit sa kanilang pag-asenso sa buhay.

Dahil alam ni Marcos sa una palang ay marami ang tututol dito kaya noong Setyembre 21, 1972 ay kanyang inideklara ang batas militar kung saan ang pamamahala ay awtoritaryan at noong 1973 ay nabago ang saligang batas at ginawang parliamentaryo dahil dito nag-simula na ang pag-aalsa nang ating mga kapatid na Pilipino laban kay pangulong Marcos at ang pag-aalsa ay lalong tumindi nang pinaslang ang dating senador Benigno Aquino, JR.noong agosto 21, 1983 at makalipas ang tatlong taon ay nagkaroon ng isang snap election, ito`y naganap noong pebrero 7, 1986 at ang biyuda ni senador Aquino na si Corazon C. Aquino ang lumaban kay Marcos pagkapangulo ng bansa.

Ika-apat na Republika ng Pilipinas

Hindi nagustuhan ng mga taong bayan ang naging resulta ng elesyon kaya naganap ang People Power Revolution sa EDSA noong pebrero 22, 1986 na siyang nagpa-alis kay pangulong Marcos sa Kapangyarihan. Dahil sa people power naluklok si Corazon C. Aquino bilang pangulo ng bansa. Sa kanyang pamamahala, muling naitatag ang pamahalaang demokratiko. Binago rin niya ang saligang batas (1987) at naitatag ang Presidential Commission on Good Governance (PCGG) at ito ang simula ng ika-apat na republika ng Pilipinas.

Ipinag-patuloy ng dating pangulong Fidel V. Ramos ang nasimulan ni pangulong Aquino ay siya ay naglingkod noong 1992 hanggang 1998.

At noong hunyo 1998 nahalal pagka pangulo ng bansa si Joseph Ejercito Estrada ngunit hindi niya natapos ang kanyang termino Sapagkat nawala ang tiwala sa kanya ng mga Pilipino sa inihaing impeachment laban sa kanya at muling nagsimula ang panibagong People Power Revolution o EDSA 2 at siya ay napalitan ni pangulong Gloria Macapagal – Arroyo at noong mayo 2004 ay lihitimo siyang iniluklok nang taong bayan pagka-pangulo ng ating bansa.


Komento ng May Akda

Simula sa ating ikatlong republika (1946-1972) hanggang sa ika-apat na republika (1986-present) tayong mga Pilipino ay nagpapatayan laban sa ating kapwa Pilipino. Nagtatag pa tayo ng mga hukbo (hukbong pandagat, hukbong katihan, hukbong himpapawid at hukbong sanayan) para saan ba ang mga ito? Ginawa ba ito upang patayin ang ating mga kapwa Pilipino? Sa tingin ko ito ay ginawa upang hindi na maulit ang nangyari sa nakaraan na tayo`y nasakop nang mga mananakop na dayuhan at upang hindi pumatay nang mga kapwa nating Pilipino, nang dahil lamang sa kanilang maling prinsipyo at pananaw sa buhay.

Nasabi minsan nang ating pambansang bayani Gat Jose Rizal na “ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda”

Batay sa aking pagkakaunawa at pagkakaintindi sa kanyang sinabi, ang wika na kanyang tinutukoy sa talata ay hindi isang lenguwahe o dayalekto bagkus ito`y tumutukoy sa ating mga Pilipino at sa ating bansang Pilipinas at ang malansang isda na kanyang tinutukoy ay ang mga dayuhang mananakop na sumisimbulo ng pang-aapi, pang-aalipusta, at pag-gamit ng kanilang Kapangyarihan

Samakatuwid ang sinumang Pilipino na walang Pagmamahal sa ating kapwa Pilipino at sa ating bansang Pilipinas ay mahahalintulad bilang isang dayuhang mananakop. Ang sabi sa ika-limang talata ng ating pambansang awit ay ganito “aming ligaya, na `pag may mang-aapi ang mamatay ang dahil sa`yo”. Tayong mga Pilipino ay handang pumatay at mamatay para ipagtanggol ang ating kapwa Pilipino at ang ating bansang Pilipinas ngunit nagbago na ito sa kasalukuyan.

Sa tingin nyo kaya MALAYA na tayo? Totoo kaya ang araw ng kalayaan na ating ipinagdiriwang taun-taon o isa lamang ito sa kurtina o maskara ng ating bansang Pilipinas. Malaya man tayo sa mga mananakop na dayuhan, Alipin naman tayo ng ating mga Kapwa Pilipino na syang nagpapahirap kay Juan Dela Cruz. Pansinin nyo ang ating bansang Pilipinas, ano ang inyong napupuna? Ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong naghihirap. Ito ba ang kahulugan ng isang bansang demokratiko o ang tunay na kahulugan nito ay nakatago at nakakulong sa mga rehas na bakal ng ating lipunan.

May isang political analysis ang nag-sabi nang ganito “ano ang pinagkaiba ng bansang Amerika sa ating bansang Pilipinas bukod sa pareho itong demokratikong bansa” ang sabi pa niya`y ganito “ang mga mamamayan sa bansang Amerika ay kakaunti lang ang Gap o pagitan ng mga mayayaman at mahihirap samantalang sa bansang Pilipinas ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap ay lalong naghihirap. Kayo na mismo ang magsuri at humusga sa kinatatayuan ang ating bansang Pilipinas.

Ang ating pamahalaan ay ginagawa ang lahat ng kanilang magagawa sa abot ng kanilang makakaya ngunit hindi kayang matustusan ng sabay-sabay ang ating mga pangangailangan. Kailangan nating gumawa ng paraan, pamamaraan na hindi natin kailangan ang anumang armas o sandata at walang kapwa Pilipino natin ang masasaktan at masasawi. Hindi natin kailangang mag-protesta, mag-martsa, o pumunta sa EDSA at magtatag ng panibagong People Power. Kung ano man ang ating tinatamasa sa kasalukuyan maging ito man ay sa ating pamilya, lipunan, o maging sa ating bayan at bansa ay wala tayong dapat sisihin kundi ang ating mga SARILI sapagkat ito`y bunga lamang ng mga maling desisyon o aksyon natin sa nakaraan. Lahat tayo ay may kasalanan kung bakit ito naganap o nangyari sa ating buhay. Kaya sa mataas na pagkaka-unawa, wala tayong karapatan upang mag-reklamo kung ano man ang ating tinatamasa sapagkat TAYO ang may gawa ng mga ito.

Tulad ng nasabi nang dating pangulong Marcos para umunlad ang ating bansa at magkaroon tayo ng pantay-pantay na estado sa ating lipunan ay dapat magkaroon sa ating bansa ng mga pagtuturo base sa modernong teknolohiya at ngayon sa ating kasalukuyang panahon tayo ay nasa teknolohiya ng Kaisipan o mind technology na kung saan tayong mga Pilipino ay magiging isang hukbo tulad ng hukbo ng ating pamahalaan ngunit hindi tayo gagamit ng anumang sandata o armas na makakasakit o makakapinsala sa ating mga kapwa Pilipino, ang magiging armas natin ay ang ating mga hangarin (desire) sa pamamagitan ng ating mga Kaisipan (mind). Ito`y nagpapa-alala sa akin sa isang kanta ng bandang ASIN “kung ako`y may maitutulong, tutulong nang buong puso. Gitara ko`y aking inaalay kung magka gulo`y gamitin nyo. Kung ang kalaban mo`y walang puso, puso narin ang gamitin mo. Ituring mong siyang isang kaibigan, isipin mong sya`y may puso rin katulad mo” Tayong lahat ay may magagawa upang makatulong sa ating lipunan. Sa pamamagitan lamang nang ating sabay-sabay na pagbabago ng diwa at damdamin tuwing alas-otso ng gabi (manila time).

Ito ang ilan sa kinakaharap na problema nang ating pamahalaan. Tignan nyo at pag-aralan.

Krimen: aksidente sa lansangan, patayan, holdapan, pang-gagahasa (rape), pang-aabbuso sa kapwa tao, paggamit ng ipinagbabawal na gamot (drugs) at iba pa.

Sa mamamayan: pabahay sa mahihirap, murang gamot, libreng edukasyon, patubig, trabaho para sa manggagawa, at iba pa.

Kalamidad: pagbabago ng panahon (climate change), baha, lindol, bagyo, tsunami, landslide, at iba pa.

I to ay ilan lamang sa mga problema na nilulutas nang ating pamahalaan. Meron tayong magagawa para rito, imbes na tayo`y mag-rally at pumunta sa EDSA at ihayag ang ating mga saloobin, wala rin namang mangyayari bagkus kung gusto nyo nang pagbabago. Baguhin natin ang ating mga sarili (panloob na katauhan) at ito ang teknik o pamamaraan na magpapabago sa ating buhay at ating bansa sa loob lamang ng pitong minuto tuwing alas-otso ng gabi (7 mins/day)

Paunawa:

Ang Kasaysayan na aming inihayag ay nagmula sa iba`t-ibang aklat pang-kasaysayan, hindi namin binalak angkinin o ariin ang kanilang karatapang pag-aari bagkus nais lamang namin manariwa sa isipan ng mga mambabasa ang ating kasaysayan. Kami po ay isang indibiduwal na may hangad maitaas ang estado ng ating pamumuhay at nagnanais ng pagbabago sa pamamagitan ng matamihik at payapang pamamaraan. Wala kaming sinusuportahang grupong Pampulitikan, o maging grupong Pang-Relihiyon.

Ang kumento ng may akda ay batay sa kaniyang sariling pag-aaral, opinyon, at obserbasyon na aktuwal na nagaganap sa ating buhay. Hindi hangarin ng may akda na gumawa ng isang hukbo pang-digmaan na makakasakit o makakapahamak sa sinuman bagkus isang hukbo na gamit lamang ang ating mga hangarin at Kaisipan. (desire & mind) na syang magdadala sa atin ng minimithing kapayapaan at pagbabago.

No comments:

Post a Comment